Hinimok ni Quezon City Rep. Precious Castelo ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na asikasuhin ang agarang pag-uwi ng nasa 16,000 stranded OFWs na may hawak nang mga tickets at exit visas.
Nabatid sa virtual hearing ng House committee on public accounts noong Biyernes na sa 16,000 stranded OFWs 8,000 ang nasa Saudi Arabia, 4,000 ang nasa United Arab Emirates at karagdagang 4,000 sa Qatar.
Sinabi ni Castelo na dahil nakabili na ang mga ito ng kanilang tickets, hindi na maglalabas pa ng pera ang pamahalaan para sa pag-uwi ng mga ito sa Pilipinas sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa pagdinig ng committee on public accounts na pinamumunuan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, natukoy na 1,000 OFWs lamang ang pinapayagang makauwi ng Pilipinas kada araw alinsunod sa direktibang inilabas ng IATF-EID.
Kung gagawing doble ng IATF ang repatriation limit nito, sa loob lamang ng dalawang linggo ay makakauwi na ng bansa ang 16,000 stranded OFWs sa Saudi Arabia, UAE at Qatar.
Samantala, para naman aniya doon sa mga wala pang plane tickets pero mayroon nang exit permits, sinabi ni Castelo na nagsabi na rin ang DFA, DOLE at OWWA na sila ay handa para sa chartered flights para maiuwi ng Pilipinas ang mga OFWs na ito.










