Isinusulong ni Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan ang pagpasa sa panukalang batas na magbibigay ng libreng annual medical checkup para sa lahat ng mga Filipino.
Inihain ni Yamsuan ang House Bill 1785 na layong bigyan ng benepisyo upang matiyak na bawat Filipino ay mabigyan ng access sa preventive healthcare.
Paliwanag ng Kongresista ang pagbibigay ng libreng checkup ay magreresulta sa mababang paggastos ng gobyerno dahil matutugunan na ang mga life-threatening ailments gaya ng diabetes at heart disease dahil may pagkakataon na sila ay magamot bago pa lumala ang kanilang kondisyon.
Sa ilalim ng panukalang HB 1785, lahat ng Filipino na Philhealth members batay sa mandato ng Universal Health Care Law ay may karapatan sa mga naaangkop na benepisyo sa ilalim ng Philippine Health Insurance Program.
Ang nasabing panukala ay inapbruhan ng House Committee on Health nuong nakaraang taon.
Ipinunto ni Yamsuan na sa kabila ng implementasyon ng Universal Health Care Law at iba pang makabuluhang hakbang sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa Pilipinas, marami pa ring Pilipino ang namamatay sa mga sakit na kung hindi man ay maiiwasan at magagamot sa mga epektibong interventions.
Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nuong September 2023 ang nangungunang sanhi ng kamatayan sa Pilipinas ay ang ischemic heart diseases, sinundad ng neoplasms gaya ng cancer, cerebrovascular diseases gaya ng stroke, aneurysm, diabetes mellitus, at pneumonia.