Nananawagan ngayon si Camarines Sur Representative LRay Villafuerte na ihinto na ang pagpapatupad ng required booster shots at negative Covid-19 testing results sa mga dayuhang bumibisita sa bansa.
Ayon kay Villafuerte, mahalagang mapataas ang bilang ng mga dayuhang turista sa bansa dahil mismong si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr na rin ang nagsabi na malaki ang maitutulong ng turismo para maibangon ang ating ekonomiya mula sa pandemya.
Inihayag ni Villafuerte na bagama’t ang Pilipinas ang unang bansa sa Asya na nagpapasok muli ng mga dayuhan para sa negosyo at turismo ay napag-iiwanan pa rin ang bansa sa bilang ng tourist arrivals.
Paliwanag ni Villafuerte, ito ay dahil nananatiling mahigpit ang ating mga patakaran para sa mga pumapasok sa bansa kaugnay sa COVID 19 kaya sa mas pinipili ng mga dayuhang turista ang pumasyal na lang ibang bansa.
Binigyang-diin ni Villafuerte, bagama’t nananatili pa rin ang COVID 19, ay kailangang luwagan na ang pinapa-iral natin na health protocols bilang pag-ayon din sa pananaw ni Pangulong Marcos na kailangan na nating mga Pilipino na mamuhay kasama ang virus bilang bahagi ng tinatawag na new normal.