-- Advertisements --

Kabilang na rin sa ngayon si Davao City Rep. Isidro Ungab sa kinokonsidera o pagpipilian ng Party-list Coalition Foundation Inc (PCFI) sa speakership race.

Sinabi ni Party-list Coalition President at 1-Pacman Rep. Mikee Romero na bibigyan nila ng pagkakataon si Ungab na makapagprisenta ng kanyang leadership platform.

Magsasagawa raw kasi sila ng pagpupulong bukas, Hulyo 9, para bigyan ng pagkakataon na makausap si Ungab.

Sinabi naman ni PCFI spokesperson at Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin na inaasahang irerekonsidera ng kanilang grupo ang naunang “standing decision” na limitahan lamang ang kanilang pagpipilian para sa speakership race sa dalawang kandidato na nakapagpresidenta na ng kanilang leadership program.

Samantala, sinabi naman ni ACT-CIS Party-list Rep. Nina Taduran na karamihan sa mga miyembro ng PCFI ay suportado ang Duterte Coalition na binuo ni Davao City Rep. Paolo Duterte.

Ang manok na napili ng Duterte Coalition para maging Speaker ng Kamara sa 18th Congress ay si Ungab.