Pinuri ni House Ways and Means Chair at Albay, 2nd District Rep. Joey Salceda ang Bureau of Customs sa pangunguna Commissioner Bienvenido Rubio sa pagkakasabat nito sa P3.72 billion smuggled electronic cigarettes sa ikinasang magkahiwalay na operasyon sa Malabon at Paranaque City.
Inihayag ng ekonomistang mambabatas na ang Flava brand ng vapes ay muling nasangkot sa iligal na aktibidad.
Aniya iniimbestigahan na ng Committee ang nasabing brand dahil sa kasong tax evation na nagkakahalaga ng P1.4 billion.
Sa isinagawang operasyon ng BOC, sa warehouse sa San Dionisio, Parañaque City nadiskubri na naglalaman ito ng nasa 1.5 million pieces ng Flava brand e-cigarettes na may ibat ibang flavors na nagkakahalaga ng P1.53 billion pesos, kabilang ang excise taxes.
Tinapos na ng House tax committee ang imbestigasyon Flava Corporation at nagsumite na ito ng draft report sa liderato ng Kamara.
Kabilang sa inirekumenda ng Komite na itigil na ang business operation ng Flava Corporation at imbestigahan ito sa posibleng money laundering, smuggling at iba pang mga iligal na aktibidad.
Binalaan din ni Salceda ang mga online selling platforms na nagbebenta ng mga smuggled goods.
Paliwanag ni Salceda na ang Customs Modernization and Tariff Act, or Republic Act No. 10863, pinaparusahan ang transportasyon at pagbebenta ng mga smuggled goods dahil nasa ilalim ito ng kahulugan ng smuggling sa ilalim ng Seksyon 102 (m) ng batas.