Inilapit ni House Ways and Means Committee Chair Rep. Joey Salceda kay Finance Sec. Benjamin Diokno na alisin ang taripa sa farm inputs at itataas naman ang taripa para sa imported agricultural products sa loob ng 18 buwan.
Nagpulong kasi kahapon sina Salceda, House Speaker Martin Romualdez at Sec Diokno.
Ayon kay Salceda kung ibababa sa zero o aalisin ang taripa sa inputs tulad ng equipment, fertilizers at farm machineries at patawan ng 5% na tariff ang imported agricultural producs mula sa non-trade partners ng bansa basta’t hindi lalagpas sa kanilang bound rates ay matutugunan ang hamon na kinahaharap ng domestic agricultural sector.
Sinabi ng mambabatas na isang ring ekonomista, na bababa kasi ang gastos sa trade inputs habang makakakuha naman sila ng suporta mula sa mas mataas na tariff revenues.
Inihalimbawa ni Salceda ang abono na tumaas ng hanggang 85% ang presyo noong nakaraang taon at pinapatawan ng bansa ng 1-3% na taripa ang fertilizers.
Umaasa rin ang mambabatas na matalakay na ang inihain nitong HB 2471 o Universal Tariffs for Domestic Competitiveness Act kung saan ang mga malilikom na taripa sa imported raw agri-products ay ilalaan sa domestic sector counterpart.
Binigyang-diin nito na ang nasabing panukalang batas ay in line sa objective ng Pang. Bongbong Marcos na palawakin ang domestic sector productivity para mapalakas pa ang food security.
Nasa pulong din si NEDA chief Arsenio Balisacan at Department of Budget Management Secretary Amenah Pangandaman, kanilang tinalakay ang Medium-Term Fiscal Framework (MTFF) ng Marcos administration.
Sinabi ni Speaker Romualdez naging maganda ang kanilang pulong sa kalihim at patuloy silang magsasagawa ng konsultasyon ang Kongreso kay Sec Diokno.