-- Advertisements --

Galit na galit si House Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa umano’y pagpapabaya ng national government sa sitwasyon sa Mindanao sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa isang briefing sa Kamara kaninang umaga, partikular na pinuna ni Rodriguez si vaccine czar Carlito Galvez Jr. dahil sa hindi raw nito prayoridad ang tumataas na bilang ng COVID-19 cases sa rehiyon.

Sa kanyang distrito nga lang ay marami na ang namamatay dahil sa COVID-19.

Ayon kay Rodriguez, dalawang beses na siyang sumulat kay Galvez para humingi ng karagdagang supply ng bakuna para sa Cagayan de Oro, subalit hindi aniya sumagot dito ang kalihim.

Nauna nang sinabi ng mga eksperto mula sa OCTA Research na kasama ang Cagayan de Oro sa mga lungsod sa Mindnao na kinukonsidera bilang areas of concern.

Samantala, dahil hindi nakadalo sa pagdinig si Galvez, si Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) Undersecretary Isidro Purisima na lamang ang humingi nang paumanhin kay Rodriguez.

Nangako rin ito na sa mga susunod na linggo ay darating ang karagdagang mga bakuna.

Ngayong Hunyo hanggang Agosto nga lang, nasa 30 hanggang 35 million doses ng COVID-19 vaccines ang inaasahang darating sa bansa.