Lubos na nagpapasalamat si Rep. Florida “Rida” Robes ng nag-iisang distrito ng San Jose del Monte City (SJDM) sa Bulacan at ang kanyang asawang si SJDM Mayor Arturo “Arthur” Robes sa ABS-CBN sa pagbibigay ng tulong sa ilang mga komunidad sa ilalim ng kanilang nasasakupan sa gitna ng krisis na dala ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang ABS-CBN sa pamamagitan ng programang “Pantawid ng Pag-ibig” ay nagbigay ng 3,000 emergency food packs sa mga residente ng SJDM sa mga sumusunod na lugar:
- Rosario Ville
- Skyline Ville
- Mga Bahay sa Serrata
- Peterville
- Liana Road
- Amihan Road
- Del Monte Heights
- Sawmill Subdivision
- Skyline Homes
Ang mga nasabing mga lugar ay matatagpuan malapit sa 7.7 ektaryang lupa na pag-aari ng ABS-CBN sa SJDM kung saan tinayo ang ABS-CBN Horizon IT Park.
Mayroong dalawang sound stage rito, ang EL3 Stage na pinangalanan sa chairman emeritus ng ABS-CBN na si Eugenio “Gabby” Lopez III at ang Stage 2.
“Kami ay lubos na nagpapasalamat sa Kapamilya Network sa suporta na ibinigay sa mga tao ng San Jose del Monte. Patuloy silang nagbigay ng suporta sa lokal na pamahalaan. Nagpapasalamat sa mga namamahala sa ABS-CBN sa pagbibigay ng libu-libong emergency food packs,” ani Rep. Robes.
“Pinahahalagahan namin ang lahat ng tulong na ibinigay sa amin ng mga kumpanyang tulad ng ABS-CBN. Ikinagagalak ng LGU ang pagiging bukas-palad ng iba’t ibang mga kompanya at organisasyon upang dagdagan ang tulong na binibigay sa mga residente ng San Jose del Monte. Malaking bagay ito sa panahong ito,” ani Mayor Robes.