Pinawi ni House Committee on Appropriations senior vice chair Rep. Stella Quimbo ang pangamba ng publiko sa halaga na uutangin ng gobyerno para punan ang proposed 2023 national budget.
Sinabi ni Quimbo na hindi dapat mabahala ang publiko sa halaga ng uutangin ng pamahalaan gayundin ang pondo na inilaan para sa pambayad utang.
Ayon kay Quimbo, ang P2.2 trillion na “borrowings” ng pamahalaan ay pasok pa sa range.
Batay sa National Expenditure Program (NEP), kukunin sa P3.6 trillion project tax at non tax revenues ang pampondo sa P5.268 trillion proposed budget habang ang P2.2 trillion ay mula borrowings.
Hindi rin aniya dapat mag-aalala na P611 billion pesos ang inilaang pondo para sa “debt service payment” o pambayad utang.
Paliwanag ni Quimbo, 11 percent lamang ito ng kabuuang panukalang budget para sa susunod na taon.
Bagamat tumaas aniya ito hanggang 1 percentage point dahil sa mga inutang natin noong Covid 19 pandemic ay pasok din aniya ito sa range.
Kasama sa mga babayarang utang sa debt service payment ang mga loans na pinasok ng bansa noong kasagsagan ng pandemiya.