Ikinokonsidera ng ilang kongresistang miyembro ng National Unity Party (NUP) na mabigyan ng posisyon sa partido si Davao City Rep. at Deputy Speaker Paolo “Pulong” Duterte.
Sa isang pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni House Deputy Speaker Robbie Puno na bukas ay magkakaroon ng national elections ang kanilang partido at isa ang presidential son sa posibleng mabigyan ng posisyon dito.
Wala naman aniya kasing duda na magiging magaling naman talagang kongresista si Duterte kaya marami ring mga mambabatas ang kasalukuyang umaaligid dito.
Pero sinabi ni NUP at House Deputy Secrerary General Brian Yamsuan na pag-aaralan muna nila ang kanilang by-laws dahil adopted member lamang ng partido si Duterte.
Samantala, kinumpirma ni Puno na 50 na sa ngayon ang bumubuo sa NUP kabilang na ang 12 miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na lumipat na rin ng bakod.
Bagama’t lumaki na ang bilang ng NUP ngayong 18th Congress, sinabi ni Puno na ang PDP-Laban pa rin ang ruling party dahil hawak pa rin ng mga ito ang may pinakamaraming bilang ng miyembro.