-- Advertisements --

Ibinasura ni Batangas 1st district Rep. Leandro Legarda Leviste ang reklamong kriminal na isinampa ng Department of Energy (DOE) laban sa kanya at sa iba pang opisyal ng Solar Para sa Bayan Corporation (SPSB/SPBC), at tinawag itong “super duper hina.”

Ayon kay Leviste, batay lamang sa mga ulat ay nakikita na umano niyang mahina ang kaso laban sa kanila. Iginiit din niya na maaaring magtakda ito ng maling precedent kung saan maaaring sampahan ng “nuisance complaints” ang mga opisyal ng public utilities sa mga susunod na administrasyon.

Noong Mayo 6, naghain ng reklamo ang DOE sa Department of Justice laban kay Leviste at limang board members ng Solar Para sa Bayan Corporation (SPSB/SPBC) dahil umano sa paglabag sa Public Service Act at hindi pagtupad sa mga kondisyon ng kanilang legislative franchise.

Ayon kay Energy Sec Sharon Garin, nabigo umano ang kumpanya na magsumite ng kinakailangang permits at regulatory approvals para sa operasyon ng kanilang solar energy projects, partikular sa Occidental Mindoro.

Sa kabila nito, nanindigan si Leviste na walang sapat na basehan ang reklamo at maaaring makaapekto umano ito sa kumpiyansa ng mga public utility operators at investors sa bansa. (report by Bombo Jai)