-- Advertisements --

Nanawagan si House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin sa Department of Education (DepEd) na tignan sa mas malawak na pananaw ang nag-viral na TikTok video kung saan sinermonan ng isang guro ang kanyang mga estudyante.

Sinabi Garin na mahalagang tugunan ng DepEd ang hirap na pinagdaraanan ng mga guro, lalo na sa pampublikong paaralan na maaaring ugat umano ng nagawa ng guro.

Batid ng mambabatas ang kapangyarihan ng social media sa pagpapakalat nito ngunit hinimok ang publiko na tignan ang pangyayari sa mas malawak na aspeto.

Inilatag din niya ang pagkabahala ng estado sa kapakanan ng mga guro sa pampublikong paaralan at ang posibleng kawalan ng paraan para mailahad ang kanilang mga pangangailangan, mga problema at pagtanggap o pag-intindi sa kanilang mga mag-aaral.

Kaya mahalaga aniya ang pagkakaroon ng command o support system sa sektor ng edukasyon upang mabigyang pagkakataon ang mga guro na mailabas ang kanilang mga saloobin at makakuha ng tulong.

Hinanapan din ni Garin ng feedback mechanism sa pagitan ng mga guro at kanilang pamunuan kung saan nila malayang mailalahad ng mga guro ang kanilang problema at makakakuha ng suporta upang matugunan ito.

Marahil aniya ay matagal nang may kinikimkim na galit ang naturang guro ngunit hindi makalapit sa principal, regional director, o kahit sa DepEd Central Office kaya idinaan niya ito sa social media.

Dagdag niya na kailangan ng masusing pagsusuri sa insidente dahil posibleng hindi ito isolated case bagkus ay isang sintomas ng mas malaking isyu.

Ibinahagi rin nina House Deputy Majority Leader at PBA Party-list Rep. Margarita Ignacia “Atty. Migs” Nograles, at Taguig 2nd District Rep. Amparo Maria Zamora, ang kanilang pananaw sa naturang viral video.

Sabi ni Nograles na mahalaga ang responsableng paggamit ng social media para makapagbigay impormasyon at magpakalat ng kabutihan sa iba.

Nabahala naman si Zamora sa masasakit na mga salitang binitiwan ng guro kasabay ang paggiit ng kahalagahan ng pagtitimpi at tamang asal.