LEGAZPI CITY – Kinumpima ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na maglalagay siya ng mga ivermectin pantry sa iba’t ibang parte ng bansa upang libreng mamigay ng gamot na pinaniniwalaang nakakatulong sa mga COVID-19 patients.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Defensor, sinabi nito na sa Huwebes Abril 29, unang maglalagay ang kanilang grupo katulong ang Sagip Partylist at ilang mga doktor ng ivermectin pantry sa Matandang Balara, Quezon City na isa sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID 19.
Nilinaw ni Defensor na wala silang malalabag na batas dahil pawang may compassionate special permits (CSP) ang mga doktor na kasali sa pantry na siyang magbibigay ng check up at magreresita ng gamot.
Binigyang diin ng mambabatas na kailangang maging abot kamay sa publiko ang ivermectin lalo pa’t may ilang indibidwal na umano ang nanggigipit sa suplay nito.
Maalalang mismong si Defensor ang nagpatunay na epektibo ang ivermectin matapos umano siyang gumaling sa COVID-19 dahil sa pag-inom nito.














