Nagbabala si House prosecutor at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima sa publiko laban sa pagkalat ng maling impormasyon, pekeng balita, at baluktot na naratibo habang papalapit ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni De Lima na inaasahan nilang dadami pa ang mga mapanlinlang na ulat at maling interpretasyon ng mga pangyayari sa pag-usad ng kaso, lalo na sa pagsisimula ng paglilitis.
Hinimok ni De Lima ang publiko at media na maging maingat sa pagtanggap at pag-uulat ng impormasyon, lalo na ang mga kumakalat sa social media.
Ayon kay De Lima, dahil isa ito sa mga pinakamainit na usaping pampulitika at pangkonstitusyonal sa bansa, may mga grupong maaaring magpakalat ng maling impormasyon upang maimpluwensiyahan ang opinyon ng publiko at pahinain ang panig ng prosekusyon.
Ang pahayag ay kasunod ng pagtanggi ng House prosecution panel sa mga kumalat na online claim na nalamangan umano sila ng depensa sa pre-trial conference noong Hunyo 18.










