-- Advertisements --

Itinuturing ni Senador Loren Legarda na “unconstitutional” o labag sa Konstitusyon at walang bisa ang naganap na balasahan sa liderato ng Senado noong Miyerkules, Hunyo 3, 2026.

Sa kanyang opisyal na video statement, binigyang-diin ng senadora na labag sa batas ang pagluklok kay ⁠Senator Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at maging bilang Acting Senate President.

Ayon kay Legarda, hindi maaaring maghalal ng mga bagong opisyal ang bagong mayoryang grupo dahil nabigo silang makuha ang sapat na bilang ng boto na itinakda ng batas.

Inilahad ng senadora ang mga legal na basehan kung bakit hindi dapat kilalanin ang bagong pamunuan.

Aniya, alinsunod sa Article VI, Section 16 ng 1987 Constitution at Rule II, Section 2 ng Rules of the Senate, kinakailangan ang mayoryang boto ng lahat ng miyembro nito upang makapili ng opisyal. Dahil may 24 na senador sa bansa, ang mayorya ay katumbas ng 13 boto.

Sinabi ng mambabatas na 12 senador lamang ang bumoto sa naganap na sesyon, kaya’t walang legal na kapangyarihan ang mga ito na mag-apruba ng anumang reorganisasyon.

Iginiit din ni Legarda na labag sa konstitusyon ang pagdeklarang bakante at pagtatalaga ng mga chairperson ng ilang komite ng Senado.

Samantala, sinabi rin ni Legarda na ang naging batayan ng minorya na Avelino v. Cuenco sa pag-takeover ng Senado ay nakasalig pa sa 1935 Constitution. Giit niya, lipas na ang prinsipyong ito dahil ang umiiral na 1987 Constitution na ang nagtatakda ng mga panuntunan sa kasalukuyan.

Binigyang diin din niya na siya ang nananatiling lehitimong Senate President Pro Tempore hangga’t walang legal na batayan gaya ng pagpapatalsik o diskwalipikasyon.