-- Advertisements --

Lalo pa umanong lumakas ang personal remittances na ipinapadala papunta ng Pilipinas mula sa mga overseas Filipinos (OFs) noong buwan ng Marso 2022 na umabot sa US$2.888 billion.

Ito ay 3.1 percent na mas mataas kumpara sa US$2.801 billion sa kapareho ring buwan noong nakalipas na taon.

Ayon sa report ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang paglakas ng personal remittances ng mga OFW ay katumbas ng 2.3 percent o US$8.646 billion sa kabuuan ng unang tatlong buwan ng taong ito.

Mas mataas ito sa US$8.454 billion na na-irecord noong nakalipas na taong 2021.

Ang increase sa personal remittances noong Marso ay bunsod pa rin ng remittances na ipinapadala ng mga land-based workers at mga sea and land-based workers.

Naitala naman ang malaking bulto pa rin ng mga cash remittances ay sa mga overseas Filipinos na nakabase sa United States (US), Japan, Singapore, Taiwan, at Saudi Arabia.

Ang mga nagpapadala mula sa Amerika ang may highest share ng overall remittances na nasa 41.5 percent sa first quarter ng taong ito na sinusundan ng mga OFW mula sa Singapore, Saudi Arabia, Japan, the United Kingdom, the United Arab Emirates, Canada, Taiwan, Qatar, at Malaysia.