Bigong makapasok sa semifinals ng kanyang first event sa Tokyo Olympics ngayong araw ang Filipina swimmer na si Remedy Rule matapos na makuha ang ika-25 puwesto sa women’s 100-meter butterfly event.
Si Rule, na nakapasok sa Tokyo Olympics sa pamamagitan ng universality rule, ay pumapangalawa sa Heat 2 sa bilis na 59.69 seconds, pero hindi sapat para umusad sa kompetisyon na mayroong cutoff na 16 na swimmers.
Nanguna sa naturang swimming event ang pambato ng China na si Zhang Yufei at ng Australia na si Emma McKeon, na kapwa napalo ang dulo ng pader ng pool sa 55.82 seconds.
Pangatlo naman sa listahan ay ang defending Olympic champion na si Sarah Sjoestroem ng Sweden sa bilis na 56.18.
Gayunman, si Rule ay mayroong isa pang event sa Summer Games.
Sasabak siya sa 200 butterfly sa Martes.