Tiniyak ng iba’t ibang animal welfare group na hindi basta hahayaan lang na bumalik sa kalye ang mga hayop, partikular ang aso, sa oras na makarekober na ang mga lugar sa bansa na labis na sinalanta ng Bagyong Ulysses.
Isa rito ang Animal Kingdom Foundation (AKF) na nagsabing mananatili muna sa kanilang pangangalaga ang mga naisalba nila mula sa pagkalunod na tinaguriang “man’s best friend,” hanggang sa makahanap ng bagong pamilya.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Heidi Caguioa, program director ng nabanggit na animal foundation, sentro ng kanilang pagtulong ang mga hayop na madalas ay tila kaunti lang ang nakakapansin.
Matatandaang kadalasang nauulat ang pamamahagi ng tulong sa mga residenteng mula sa iba’t ibang bahagi ng Luzon na biktima ng sunod-sunod na bagyo.
Idinetalye ni Atty. Caguioa ang nagiging proseso ng distribusyon sa mga natatanggap nilang donasyon, pangunahin ang dog food.
“Nagsisimula po kami sa drop off of course and then pini-pick up po ito at dindala po doon sa mga munispisyo kung saan ito kailangan. Nagko-coordinate po kami sa local government unit para po maayos at masiguradong makakarating po ‘yung ating mga tulong. Katulad po sa San Mateo, binabagsak po natin sa San Mateo Municipal Hall ang mga tulong po na ating nare-recive. At nagdeploy din po tayo doon, araw-araw po simula po ‘nung Sabado ng mga volunteers na tumtulong na mag-clear ng putik, naglinis po ng pound, at tsaka mag-ayos at magpaligo ng mga aso. May pinadala na rin po tayong mga beterinaryo para mag-check ng mga aso para po masiguro na sila po ay maayos,” saad ng abogado.
Dagdag nito, “Dito po sa San Mateo na recent po naming naserbisyuhan, sa totoo lang po, mga about 60 dogs po ang nag-survive from drowning at 20 something or 25 I think died or perished dahil po sa pagbaha.”
Samantala, isa si Erick John “EJ” Nevera sa mga nakilala natin na nag-organisa ng tulong para sa mga aso at nadala na rin sa opisina ng Animal Kingdom Foundation sa Lungsod ng Makati.
Sa aming kuwentuhan, inilaan daw nito ang mga nakalipas na day off mula sa pagiging Data Entry Agent sa isang BPO, sa pagbili ng dog supplies mula sa nalikom na donasyon at ina-update ang mga nagpaabot na tulong.
“Nahabag ang puso ko ‘nung nakita ko ‘yung sitwasyon ng mga aso kaya nagdesisyon akong i-share at magbaka-sakaling may magbahagi ng tulong. ‘Nung una, hindi ko inasahan ‘yung mga tulong hanggang sa unti-unting may nag-personal message na nagpadala sila ng ganitong halaga… and then pinost ko ‘yung mga napamili naming dog food at dog bowls hanggang sa dumami pa ‘yung mga gustong tumulong.”
“Kami po ay nakabili ng 28 pirasong food bowls, mayroon din pong siyam na sakong dog food pellets, mayroon pang adult at pang-small breed dogs, four boxes ng pouch with dog food, 30 piraso ng canned dog food, at five big plastic ng dog biscuits.”
Si EJ na ngayon ay 32-anyos na, ay mahigit 20 years nang pet lover kung saan mayroon siyang tatlong alagang aso.
Sa ngayon, matapos sa San Mateo Pound sa Rizal, sunod na tutunguhin ng grupo nina Atty. Heidi ay ang mga apektadong “man’s best friend” sa bahagi ng Bicol at Isabela.
Labis naman ang pasasalamat ni EJ sa mga tumugon sa kanyang panawagan ng tulong kabilang ang mga naging kaklase nito noong nag-aaral pa sa kolehiyo.