Inirekomenda ngayon ng AO35 Secretariat na isama na rin sa imbestigasyon ang pagpatay sa aktibistang si Zara Alvarez sa Bacolod City.
Ito ang kinumpirma ni Department of Justice (DoJ) Usec. at Spokesman Markk Perete ngayong hapon lamang.
Ang secretariat ay naatasang usigin ang mga politically motivated killings.
“The AO35 Secretariat today recommended the inclusion of the Zara Alvarez case in the docket of the task force,” ani Perete.
Sa ilalim ng AO 35 mechanism, ang mga prosecutors ang mangunguna sa team ng investigators mula law enforcement agencies na magsagawa ng imbestigasyon.
Sinabi naman ni Perete na ire-review ng DoJ ang naturang rekomendasyon.
Aniya, posibleng bumuo ng special investigating team na mag-iimbestiga sa pagkamatay ni Alvarez kasunod ng rekomendasyon ng AO35 Secretariat.
Una rito, sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na posibleng ikonsidera ng DoJ ang pag-iimbestiga sa pagkamatay ng aktibista.
Si Alvarez, 39-anyos ay binaril noong Lunes ng gabi sa Bacolod City.
Siya ay isang guro, single mother at dating campaign at education director na kasalukuyang paralegal ng human rights group na Karapatan.
Ayon sa Karapatan, si Alvarez ay pang-13 na miyembro ng kanilang grupo na pinaslang sa ilalim ng Duterte administration.
Una na umano itong nakakatanggap ng banta sa buhay, hina-harass at nasampahan ng kasong pagpatay noong 2013 ng militar ayon sa organisasyon.
Pero na-acquit na ito noong buwan ng Marso.
Napaslang si Alvarez kasunod ng pagpatay sa isa pang aktibista at peace consultant na si Randall Echanis sa Quezon City.
Sa ngayon sinisilip na rin ng AO35 special investigating team ang Echanis case.
Sinabi ni Perete na ang pagkamatay ni Echanis ay iniimbestigahan na rin sa ngayon.
“The investigation into the killing of Randall Echanis is already underway. The composite team tasked to conduct the investigation was given one month within which to submit a report on its findings,” ani Perete.