-- Advertisements --
Senator Win Gatchalian

Isinumite na sa Palasyo ng Malacanang ang rekomendasyon ng Senate Ways and Means committee na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian kaugnay sa permanenteng pagbabawal ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pilipinas.

Ito ay kasunod na rin ng ilang serye ng isinagawang public hearings sa epekto ng POGO operations sa ekonomiya ng Pilipinas.

Ayon kay Sen. Gatchalian, kaniya ng isinumite ang naturang report kay Executive Secretary Lucas Bersamin sa layuning maipakita sa ehekutibong sangay ng gobyerno ang mga dahilan at mapag-aralan kung bakit dapat na ipagbawal ang operasyon ng POGO sa bansa.

Sinabi din ng mambabatas na nais ng executive branch na makita ang mga rekomendasyon upang makapag balangkas ng mga hakbang para sa pagpapatupad nito.

Aniya, base sa kanilang findings, mas malaki ang mawawala sa mamamayang Pilipino kumpara sa kanilang mahihita mula sa pagpapahintulot ng operasyon ng POGO sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan, nagkalat ang POGOs sa bansa sa dakong Luzon, gaya ng Paranaque, Pasay, Cavite, Pampanga, Tarlac at Cagayan.