Ilang araw bago ang napipintong pagreretiro sa serbisyo ni PNP Chief PGEN Rodolfo Azurin Jr. ay inamin nito na hindi man lang siya nakonsulta pahinggil sa mga rekomendasyon para sa susunod na manunungkulang hepe ng pambansang pulisya na papalit sa kaniya.
Inihayag ito ni Azurin sa gitna ng mga kontrobersiyang kinakaharap ngayon ng pambansang pulisya nang dahil sa umano’y pagkakadawit ng ilang matataas na opisyal nito sa operasyon ng ilegal na droga.
Ayon sa heneral, wala silang naging pag-uusap ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. at Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. pahinggil sa mga rekomendasyon para sa susunod na magiging PNP Chief sa bansa.
Kung maaalala, una nang inihayag ni Abalos na mayroon na siyang napupusuang irekomenda sa pangulo para sa naturang posisyon na inilarawan niya bilang isang trustworthy o mapagkakatiwalaang opisyal.
Matatandaan din na kaugnay nito ay hinimok din ni outgoing PNP chief Azurin si Pangulong Marcos Jr. na maging maingat sa pagpili sa susunod na manunungkulang hepe ng pambansang pulisya.
Samantala, patungkol pa rin dito ay aminado rin si Azurin na malaki ang hamon na kakaharapin ng susunod na hepe ng pnp nang dahil pa rin sa mga nararanasang suliranin ngayon ng buong hanay ng kapulisan.
Ngunit gayunpaman ay binigyang diin nito na ipagpapatuloy ng pnp ang pagtupad sa kanilang mga tungkulin sa pagsugpo sa krimen, ilegal na droga, kabilang na ang paglilinis sa kanilang hanay kahit sino pa man ang piliin ni Pangulong Marcos Jr. na susunod na magiging pinuno ng pambansang pulisya.
Kabilang sa mga umingay ang pangalan na tinitingnan maaaring humalili kay Azurin bilang hepe ng pambansang pulisya ay sina Deputy Chief for administration PLTGEM Rhodel Sermonia, Deputy chief for operations PLTGEN Jonnel Estomo, Director for investigation and detective management ng PNP na si PBGEN Eliseo Cruz, at gayundin si PNP-criminal investigation and detection group Chief PBGEN Romeo Caramat.