-- Advertisements --

Agad daw ipapasa ng Department of Health (DOH) sa kanilang technical offices ang rekomendasyon ng bumisitang Chinese medical experts para magawan ng polisiya at aksyon kontra COVID-19.

Sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na sakop sa rekomendasyong iniwan ng Chinese team ang isolation, detection at pagpapalawig ng communication channels.

“Kahanga-hanga daw ang ating efforts sa pagpapatayo ng quarantine facilities para matugunan ang pangangailangan ng mga pasyente.”

“Napansin din nila na tama ang mga napiling lokasyon ng mga pasilidad dahil sinisiguro nating isolated ang kinatatayuan ng mga quarantine facilities.”

Bukod dito, tumawag din daw sa pansin ng mga dayuhang eksperto ang pagpupusige ng gobyerno na pataasin ang testing capacity kada araw.

Pati na ang paggamit ng unified at standard protocol sa pagpapagaling ng mga pasyente.

Kamakailan nang lumabas ang ulat tungkol sa pahayag ng lider ng team na si Dr. Weng Shangeng na nagre-rekomendang magtayo ng “Fangcang hospital” ang Pilipinas.

Ang naturang uri ng makeshift hospital daw kasi ay naging epektibo bilang measure sa COVID-19 cases sa Wuhan City.