-- Advertisements --
bantag 1

Nadagdagan pa ang bilang ng kinahaharap na reklamo sa Department of Justice (DoJ) ng suspendidong si Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag.

Ito ay matapos maghain ng reklamong paglabag sa Anti-Torture Law ang limang corrections officer ng Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan.

Kasama ang mga abogado ng Bureau of Corrections, personal na nagtungo sa Department of Justice sina Corrections Officer 2 Richie Canja, Lazaro Rafols Jr, Her Sahid Mojado, Eddie Jimenez at Roy Gasaca na mga complainants.

Kabilang naman sa mga respondents sina Bantag, dating Bureau of Corrections deputy security officer Superintendent Ricardo Zulueta, dating Bureau of Corrections spokesman Gabriel Chaclag jail guards Jayferson Bon-As, Victor Pascua, Bayani Allaga, Rose Marie Casion, Joel Arnold, Kanoy Lattot, Ave Akilit, Edgar Angeles Jr at Michale Marzan.

Sinabi ni Atty. Mauricio Ulep ng Bureau of Corrections, nangyari ang pambubugbog sa limang tauhan ng Iwahig Penal Farm noong Marso 2020.

Sa kuwento ni Canja, masakit sa kanilang panig na bukod sa pisikal na pananakit ni Bantag ay nadamay din umano ang kanilang mga pamilya.

Tumatayong respondents sa reklamo sina Bantag, Jail Superintendent Ricardo Zulueta, dating Bureau of Corrections Spokesman Gabriel Chaclag at siyam na iba pa.

Aminado ang mga complainant na ngayon na lamang sila nagkalakas ng loob na magreklamo laban kay Bantag at sa mga tauhan nito dahil sa sobrang takot noong mga panahon na nasa puwesto pa si Bantag.

Kung maalala, hindi ito ang unang reklamo na inihain sa Department of Justice may Bantag na nahaharap din sa reklamong murder dahil sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percy Laid at umano’y middleman na si Jun Villamor.