Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang graft complaint laban kay dating Tourism Secretary Wanda Teo, kapatid niya na si Ben Tulfo, at iba pang opisyal ng PTV kaugnay sa mahigit P120-million ad deal noong 2017.
Sa isang resolusyon na may petsang Setyembre 30, sinabi ng Ombudsman na hindi “privy” o walang alam sa kontratang pinasok ng PTV at ng Bitag Media Unlimited Inc. ng kanyang kapatid para sa promotional advertisement ng Department of Tourism.
Sa kanilang 2017 audit report, sinabi ng Commission on Audit (COA) na ang memorandum of agreement sa pagitan ng DOT at ng PTV ay nagpapakita ng posibleng conflict of interest at “undue injury” sa pamahalaan.
Pinuna rin ng state auditors ang PTV sa pagbabayad nito sa BMUI ng P60 million dahil sa kakulangan ng supporting documents dito.
Pero ayon sa Ombudsman, nakapag-comply naman ang BMUI sa contractual obligations nito kaya masasabing nakuha rin ng pamahalaan ang inaasahan nito sa naturang kompanya pati rin sa PTV.
Nakasaad sa resolution na walang ebidensya makakapagturo na naglabas ng Notice of Suspension o Notice of Disallowance ang COA sa kontratang ito.
“In the absence of proof that the findings of COA in its AOM (audit observation memorandum) have gained finality, the filing of the instant case borders on prematurity amounting to lack of cause of action.”
Samanatala, sa isang statement, sinabi naman ni Teo na ikinatutuwa niya ang naging desisyon ng Ombudsman, na nagpapakita lamang na buhay na buhay ang rule of law sa bansa.