DAGUPAN CITY — Inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na malapit nang matapos ang pagkukumpuni ng gumuhong tulay sa bayan ng Bayambang.
Ayon sa DPWH Regional Office 1 na nailagay na nila ang 45-meter na haba ng Carlos P. Romulo Bridge na matatagpuan sa Carmiling-Wawa-Bayambang-Malasiqui-Sta. Barbara Road.
Sakaling magtuloy-tuloy ang magandang panahon, makukumpleto na ang pagsasaayos nito at mailalagay na rin ng mga steel deck.
Paglilinaw naman ng ahensya na sa oras na matapos ang konstruksyon para rito, tanging ang mga light vehicles muna ang kanilang papayagan na makadaan dito at ipagbabawal muna ito sa mga truck.
Matatandaan na noong October 20 ay gumuho ang Wawa Bridge matapos dumaan ang dalawang overloaded na truck.
Base sa imbestigasyon ng Pangasinan 4th District Engineering Office (DEO), ang dalawang truck ay may timbang na halos 70 tonelada malayo sa 20 tonelada na limit ng nasabing tulay.