Plano ng gobyerno ng Pilipinas na paigtingin pa ang hospital capacity sa National Capital Region plus sa pamamagitan ng pagdadagdag pa ng 200 intensive care units (ICU) beds para i-accommodate ang mga coronavirus patients sa lugar.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, ilang regular hospital rooms sa mga government hospitals ang gagawing intensive care units.
Ang planong ito ay ginawa makaraang ilang ospital sa NCR-plus ang inalok na dagdagan ng 176 ICU beds at halos 1.000 ward beds ng pasilidad para sa coronavirus patients.
Nag-alok kasi ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na magbigay ng partial payment para sa hospital claims.
Sa ngayon aniya ay nasa survey stage pa lang para malaman kung ilang regular rooms ang pupwedeng ma-convert bilang ICU.
Sinabi pa ni Roque na umaasa ang Malacañang na maisasapinal ang planong conversion ng mga regular hospital rooms sa loob ng isang linggo.
Batid umano ng pamahalaan na kritikal ang pag-aayos sa critical health care capacity ng bansa noong ibaba ang quarantine classification sa NCR plus at tuluyang buksan ang ekonomiya.
Matapos kasi ang dalawang linggong lockdown, isinailalim ang Metro Manila at mga kalapit ntiong probinsya sa modified enhanced community quarantine hanggang sa katapusan ng Abril para kontrolin ang pagkalat ng nakamamatay na virus.
Kumpiyansa naman si testing czar Vince Dizon na matatapos ang proyektong ito sa buwan ng Mayo. Ang dagdag na mga hospital beds ay makakatulong aniya para ibaba ang critical care utilization rate sa NCR Plus ng hanggang 70 percent.