Nakikitang lilikha ng 1.4 milyong trabaho ang Regional Comprehensive Economic Partnership para sa mga Pilipino sa taong 2031 ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri noong Lunes.
Sa plenary session ng Senado, sinagot nina Zubiri at Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang mga tanong ng kanilang mga kasamahan sa Regional Comprehensive Economic Partnership o RCEP habang ini-sponsor nila ang panukalang batas.
Tinanong ni Senator Sherwin Gatchalian ang mga sponsor kung ilang trabaho ang maaaring mabuo sa pamamagitan nito.
Ayon kay Senator Zubiri, ang pag-aaral, ang serye ng Economics Working Papers ng Asian Development Bank at ang mga benepisyo ng mga patakaran sa kalakalan tulad ng Regional Comprehensive Economic Partnership ay sumasalamin sa mga pagbabago sa trabaho mula sa low-productivity patungo sa high-productivity na mga trabaho at ito ay tinatantya sa taong 2031.
Kaugnay niyan, hindi bababa sa 100 grupo ang nanawagan sa Senado na tanggihan ang Regional Comprehensive Economic Partnership na pinakamalaking kasunduan sa malayang kalakalan sa mundo.
Ito ay isang trade pact sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations member states, Australia, China, Japan, South Korea, at New Zealand.
Una na rito, ang Pilipinas ang tanging bansang hindi niratipikahan ang Regional Comprehensive Economic Partnership o RCEP.