BOMBO DAGUPAN- Tiniyak ng Regional Community Affairs Development Division na “well-prepared” na ang buong hanay ng kapulisan ng Rehiyon Uno para sa pagsasagawa ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections bukas, Oktubre 30.
Sa kanyang mensahe sa isang forum, sinabi ni PLt.Col. Benigno Sumawang, Assistant Chief ng naturang opisina, na mula noong nagsimula ang election period ay sinimulan na rin nila ang iba’t ibang mga aktibidad at programa kaugnay ng nasabing halalan, gaya na lamang ng paglulunsad ng mga checkpoint, Oplan Sita, at pagpapatrolya.
Aniya na bilang accomplishment ng mga inilunsad na aktibidad na ito ay nakaaresto na sila ng hindi bababa sa 40 mga katao na lumabag sa mga batas ng Commission on Elections kung saan ay nakakumpiska sila ng kabuuang 53 firearms.
Habang nagtala rin sila ng ilang bilang ng mga nag-surrender ng kani-kanilang mga baril sa nagpapatuloy na Oplan Katok ng mga kapulisan kung saan ay umabot naman sa kabuuang bilang ng 512 ng mga baril ang nakolekta nila sa buong rehiyon.
Samantala, idiniin naman ni Sumawang na sa Rehiyon Uno ay nag-deploy sila ng kabuuang 8,133 na mga kawani ng kapulisan, katuwang ang karagdagang pwersa ng Armed Forces of the Philippines na 347 personnel, at 106 personnel naman ang mula sa Philippine Coast Guard.
Idinagdag pa nito na sa mga diskresyon ng mga Provincial Director ay mayroon ding mga itinalagang dedicated na Quick Reaction Team na reresponde kung sakaling magkaroon man ng problema sa isang lugar.
Ani Sumawang na sa buong Ilocos Region ay may 61 na mga barangay ang nasa ilalim ng Yellow Category, o mga lugar na dating may matinding political rivalry, kung saan magpo-pokus ang mga Quick Response Team.










