CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA)-Region 2 na dalawang bayan sa Isabela ang nakapagtala ng kaso sa African swine fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Narciso Edillo ng DA region 2, sinabi niya na nagpositibo sa ASF ang blood samples na sinuri ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa mga baboy na inaalagaan ng ilang backyard hograisers sa Mallig at Quirino, Isabela.
Sinabi ni Ginoong Edillo na tinututukan nila ngayon ang mga area na apektado ng ASF lalo na ang mga nasa boundary ng Kalinga, Ifugao at Benguet.
Sa Kalinga, hinihinalang galing ang karne ng baboy na nakahawa sa mga alagang baboy sa bayan ng Mallig, Isabela.
Pinawi ni Regional Director Edillo ang pangamba ng mga mamamayan sa pagsasabing hindi sila dapat maalarma dahil gumawa na sila ng paraan para makontrol at ma-contain ang ASF sa dalawang bayan.
Araw-araw aniya na isinasagawa ang fumigation sa barangay na apektado ng ASF para mapuksa at hindi kumalat ang virus na nagdudulot ng ASF.