Hinimok ng International Committee of the Red Cross (ICRC) ang pwersa ng Israel at teroristang grupong Hamas na gawin ang kani-kanilang obligasyon sa ilalim ng International Humanitarian Law.
Ayon kay ICRC President Mirjana Spoljaric(Miryana Spolyarich), nasakssihan ng Red Cross ang kaguluhan sa pagitan ng Israel at ng grupong Hamas, lalo na ang pagpapakawala ng mga rockets sa Gaza Strip.
Wala aniyang ibang resulta rito kungdi karahasan, pagkasawi ng mga residente, at pagkawala ng mga ari-arian.
Maliban sa pagrespeto sa International Humanitarian Law, hinimok rin ng Red Cross ang mga sundalo na respetuhin ang karapatan ng mga sibilyan na naiipit sa naturang kaguluhan.
Kasabay nito, tiniyak din ng Red Cross na nakahanda itong tumulong sa mga sibilyan na naiipit sa naturang gulo, kasama na ang mga sundalong nasusugatan.
Ayon kay Spoljaric, nakahanda rin ang naturang organisasyon na magbigay ng humanitarian support kasama na ang paghahanap sa mga nawawala, pagbibigay ng medical supply, at pagkupkup sa mga sibilyang pangunahing biktima.
Hiling ng Red Cross, dapat ding bigyan ng sapat na panahon at maayos na passage ang mga humanitarian works patungo sa Israel na silang tutulong sa mga biktima.