DAGUPAN CITY — Patuloy pa rin ang pagmomonitor ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa kalagayan ng panahon sa lalawigan hangga’t hindi pa tuluyang nakakalabas ng Philippine Area of Responsibility ang Bagyong “Paeng”.
Ito ang binigyang-diin ni Patrick Aquino, ang siyang tumatayong Operations Supervisor ng naturang ahensya, sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan. Dagdag pa nito na hindi pa rin tatanggalin ang Red Alert Status sa buong lalawigan, at hindi muna nila ito iabababa hangga’t hindi pa nakakalipas ang banta ng panibagong sama ng panahon na ang Tropical Storm “Queenie”.
Kaugnay nito ay kanila ring pinag-aaralan ang mga danyos na iniwan ng nagdaang bagyo sa imprastraktura na umabot na sa 2.5 milyon at 1.6 milyong danyos sa agrikultura sa lalawigan, at gayon na rin ang pag-monitor nila sa mga iba’t ibang lugar sa lalawigan na nakaranas ng magdamagang pag-ulan at malalakas na pagbugso ng hangin lalo na ang mga malalapit sa baybayin..
Maliban sa ilang nabutas na mga kakalsadahan at mga danyos sa livestock na umabot sa 176,000 ay wala namang naitalang anumang kaswalidad sa lalawigan sa pagdaan ng Bagyong “Paeng”.
Inaabisuhan naman ng mga kinauukulan ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot dahil nakataas pa rin ang gale warning sa lalawigan.
Kaugnay nito ay nakaalerto naman ang kanilang hanay para sa UNDAS 2022 at patuloy din ang kanilang pakikipagugnayan sa mga local government units para sa maayos na pagdiriwang nito.