Nagtaas na sa Red Alert Status ang Office of the Civil Defense nang dahil sa banta na dulot ng Bagyong Betty nang makapasok ito sa Philippine Area of Responsibility kaninang madaling araw.
Ayon kay Civil Defense Deputy Administrator at National Disaster Risk Reduction and Management Council Spokesperson Raffy Alejandro, sa ilalim nito ay mas paiigtingin pa ng ahensya ang kanilang pagbabantay sa galaw ng bagyo, at gayundin sa ginagawa nitong disaster response.
Kaugnay nito ay nakahanda rin ang OCD at mga Regional Offices nito sa inaasahang magiging epekto ng pananalasa ng Bagyong Betty sa ilang bahagi ng bansa.
Sa katunayan pa nito ay nakalatag na rin aniya ang kanilang mga plano’t hakbang na gagawin sakaling magkaroon ng emergency, habang nai-deploy at naka-stand by na rin ang kanilang mga rescue teams sa mga lugar na inaasahang dadaanan ng naturang bagyo, at gayundin ang mga relief goods na ipamamahagi ng mga kinauukulan sa mga pamilyang maaapektuhan nito.