Kinakailangan umano na matapos ng gobyerno na mapabakunahan ang malaking bahagi ng populasyon sa Pilipinas sa loob ng dalawang taon.
Sinabi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na ang hakbang na ito ay upang siguraduhin na mas magiging mabilis ang pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas.
Batid naman daw ng senador na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito para muling makabawi ang Pilipinas mula sa pandemya na dulot ng COVID-19 ngunit kailangan daw ay mabilis ang gawing pagkilos nito.
Masyado aniyang mahaba ang kailangang hintayin kung aabot pa ng tatlo hanggang limang taaon ang inaasahang recovery ng bansa.
Ayon sa mambabatas, mawawalan lamang ng kabuluhan ang lahat kung hindi kaagad masosolusyunan ang pandemyang hinaharap ng bansa.
Una nang sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na posibleng abutin ng tatlo hanggang limang taon para bakunahan ang nasa 60 milyong Pinoy dahil na rin sa limitadong supply ng bakuna.