Inihayag ng National Economic and Development Authority na ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) ay magpapalakas sa posisyon ng Pilipinas bilang investment hub.
Sa isang pahayag, sinabi ni National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balisacan na ang bansa ay aani ng mga benepisyo mula sa mega-trade deal.
Kung matatandaan, dalawampung senador ang bumotong pabor sa free trade agreement sa pagitan ng 10 miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), China, Japan, South Korea, Australia at New Zealand.
Ayon kay Balisacan, sa pakikilahok ng bansa sa Regional Comprehensive Economic Partnership, lalo pang pinalakas ng Pilipinas ang posisyon nito bilang ideal investment hub sa rehiyon habang pinapalawak ang access sa merkado, pinapadali ang kalakalan, at iniayon ang ating mga patakaran at pamamaraan sa mga kalahok na ekonomiya.
Dagdag dito, ang Pilipinas ay maaaring magsilbi bilang isang gateway sa rehiyon dahil ipinagmamalaki nito ang mga kabataan at lumalaking manggagawa pati na rin ang matatag na mga legal na patakaran tulad ng intellectual property and competition.
Ginagawa rin nito ang bansa na isang perpektong manufacturing at research and development hub.
Ang pakikilahok dito ay maaaring humantong sa matatag na pagpapalawak ng negosyo at pamumuhunan na maaaring humantong sa kalidad at mas matatag na mga trabaho, at patuloy na pagbabawas ng kahirapan alinsunod sa Philippine Development Plan 2023-2028.
Una na rito, ang iba pang key financial policies ay umaakma sa pagpapatibay ng Regional Comprehensive Economic Partnership kabilang ang mga pag-amyenda sa Retail Trade Liberalization Act, Foreign Investments Act, Public Service Act, at ang Build-Operate-Transfer Law, na nagpapadali sa isang mas business-friendly na kapaligiran sa ating bansa.