Ipinatikim ng Toronto Raptors ang ikatlong pagkatalo sa San Antonio Spurs, matapos payukuin ang huli sa overtime game.
Nagtapos ang laban sa pagitan ng dalawa sa score na 123 – 116, pabor sa Toronto.
Binuhat ni Scottie Barnes ang Raptors sa kaniyang 30 points 11 rebound double-double habang kapwa nag-ambag ng tig-24 points sina OG Anunoby at Dennis Schroder.
Bigtime performance din ang ipinamalas ni Jakob Poeltl na kumamada ng 16 points 10 rebounds double-double.
Hindi naman nagawa ng Spurs na protektahan ang kanilang homecourt sa kabila ng 21 points 11 rebounds ni Zach Collins at 26 big points ni Keldon Johnson.
Samantala, ang rookie na si Victor Wembanyama ay nagbuhos din ng 20 points 9 rebounds sa naging pagkatalo ng San Antonio.
Naging dikit ang score ng dalawang koponan hanggang sa pagtatapos ng huling kwarter dahil sa palitan ng mga ito ng magagandang shots.
Gayonpaman, pagpasok ng overtime ay umabot lamang sa anim na puntos ang nagawa ng Spurs habang 13 points ang pinakawalan ng raptors sa loob ng limang minuto.
Hawak ng Raptors ang 3 – 4 na kartada habang 3 – 3 naman ang panig ng Spurs.