-- Advertisements --

Kinumpirma ng Malacañang na hindi kuwalipikado na makinabang sa Republic Act 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law ang convicted rapist at murderer na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, maliwanag ang letra ng batas sa GCTA na ang mga nahatulan ng hukumang gumawa ng karumal-dumal na krimen o “heinous crime” gaya ni Sanchez ay hindi puwedeng makinabang sa binababanggit na batas.

Ayon kay Sec. Panelo, suportado ng Malacañang ang Department of Justice sa inilabas na direktibang dapat maging maingat ang Bureau of Corrections sa mga convicted criminals na isasailalim sa ebalwasyon para makinabang sa Good Conduct Time Allowance Law.

Handa aniyang sundin ng Executive Department ang letra at espiritu ng batas kung sino ang kuwalipikado at hindi kuwalipikado sa Good Conduct Time Allowance Law.

Nauna nang nilinaw ng Korte Suprema na ang mga kaso gaya kay Sanchez na may capital punishment, ay maituturing na heinous crime.