-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Commitment order na lang mula sa korte ang hinihintay ng pulisya sa Libon, Albay para sa tamang disposisyon ng nahuling suspek na gumahasa at pumatay umano sa isang 14-anyos na dalaga sa naturang bayan.

Arestado sa ginawang manhunt operation ng Libon Municipal Police si Rey Riparip, 29, residente ng Brgy. Natasan, at itinututing na ikalimang most wanted ng lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni police Maj. Ryan Atancio, municipal police director, na agad nilang minanmanan ang kilos ng suspek makaraang mabatid na bumalik ito sa bayan matapos magtago sa Pampanga.

Batay sa imbestigasyon, Agosto pa noong nakaraang taon nang gahasain at patayin umano ni Riparip ang biktima.

Nagnakaw din daw ito ng motor para makapagtago sa ibang lalawigan.

Kasong rape with homicide ang hinaharap ng binatilyo na kasalukuyang nakapiit sa Libon PNP.