Pag-aaralan pa raw ng Department of Health (DOH) ang rekomendasyon ng UP OCTA Research Team na magkaroon ng randomized testing sa mga empleyadong araw-araw pumapasok sa trabaho kahit nasa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic ang bansa.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, sa ngayon ay limitado ang resources kaya hindi pa tiyak na kakayanin ng sistema ang nasabing rekomendasyon.
“Iyong randomized testing, pag-iisipan namin nang maigi kasi resource intensive ito. Hindi ko pa alam kung kakayanin ito ng ating sistema,” ani Vergeire.
“Also, how long will we do this? Ang testing kasi is a point in time. Kahit na-test natin ngayon, bukas, may bago ka nang exposure,” dagdag ng opisyal.
Sa kasalukuyang protocol, tanging mga symptomatic na indibidwal na may exposure sa confirmed cases, mga health care frontliners, vulnerable population tulad ng buntis at senior citizen, at returning OFWs ang prayoridad ng testing.
“Sa ngayon ang gusto muna nating i-focus would be the subgroups na ating naitalaga (for testing).”
“Actually mare-revise pa sya, mae-expand na furthe base sa mga paguusap-usap between the private and the DOH. Aayusin pa natin yan.”
Binigyang diin ni Vergeire na habang hinihintay pa ang desisyon sa pag-aaral na kanilang gagawin ay dapat na ipatupad ng mahigpit ang minimum health standards.
“Iyong ating minimum health standards andiyan pa rin. I-enforce ang compliance. Iyon na iyon eh. Wala nang ibang pupuntahan.”
Nitong Martes nang magdesisyon ang pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT-3) na suspendihin muna ang operasyon ng train system, matapos pumalo sa higit 200 empleyado nito ang mag-positibo sa COVID-19.
Ito ang naging basehan ng nasabing UP research team sa kanilang rekomendasyong randomized testing.










