-- Advertisements --

Isinagawa ngayong araw ang indignation rally sa Universtiy of the Philippines (UP) Diliman campus makaraang ibasura ng Department of National Defense (DND) ang kasunduan na magbabawal sa militar o mga pulis sa loob ng UP campus.

Dakong alas-10 ng umaga nang simulan ng iba’t ibang grupo tulad ng College Editors Guild of the Philippines at Anakbayan chapter ng UP Diliman ang nasabing rally malapit sa Quezon Hall.

Sa isang pahayag, sinabi ng Anakbayan na dahil daw sa naging desisyon ng DND na balewalain ang UP-DND Accord ay magkakaisa ngayon ang buong komunidad ng UP para ipaglaban ang academic freedom at protekasyon ng democratic spaces.

Nagpahayag na rin ng pagkadismaya sa DND ang ilan pang taga-suprota ng UP.

Ayon kay dating senador at ngayon ay Sorsogon Gov. Chiz Escudero, dapat ay matuto ang gobyerno na lumaban ng patas at hindi basta-basta kumagat sa pain ng mga kalaban.

Mas kailangan aniya na magkaroon ng paniniwala at kumpyansa ang pamahalaan sa kabataang Pilipino at gayundin ang pagpapakita ng kanilang pagmamahal sa Pilipinas.

Hinamon naman ni UP Professor at journalis Danilo Arao ang UP faculty at mga dating estudyante ng naturang unibersidad na ngayon ay parte na ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kondenahin ang pagtanggal sa nasabing kasunduan.

Ang kasunduan na nilagdaan noong 1989 ay upang maiwasan ang mga pulis at militar mula sa pagpasok sa loob ng UP at makialam sa mga isinasagawang aktibidad ng mga estudyante. Ito raw ay para protektahan ang mga mag-aaral at faculty members na sumali sa mga activist movements.

Nilagdaan ang kasunduang ito nina dating UP president Jose Abueva at dating Defense Sec. Fidel V. Ramos.

Sa pamamagitan naman ng isang sulat ay ipinaliwanag ni Lorenzana na ang hakbang na ito ay para raw protektahan ang buong unibersidad, maging ang pagsali ng mga estudyante sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).