Nakatakdang maghain ng dalawang resolusyon sa Kamara ang beteranong ekonomista na si Marikina Rep. Stella Luz Quimbo para paimbestigahan ang samu’t saring issue sa healthcare financing sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Quimbo na layon ng dalawang resolusyon na kanyang ihahain na ipasilip sa House Committee on Good Government and Public Accountability ang kalagayan ng National Health Insurance Program.
Bukod dito, dapat din aniyang imbestigahan ng komite ang mga hakbang na ginawa ng PhilHealth para mapabuti ang fund management at utilization nito, pati na rin ang status ng hindi pa nababayarang benefit claims ng mga ospital.
Iginiit ni Quimbo na makalipas ang 16 buwan nang magsimula ang COVID-19 pandemic, nananatili pa rin banta ang pandemya sa kabuhayan ng mga Pilipino dahil sa kakulngan ng health care financing sa bansa.
Kung maayos aniyang nahahawakan ang pondo ng PhilHealth, hindi dapat mabahala ang publiko hinggil sa health care financing.
Subalit base na rin sa resulta ng mga pagdinig noong nakaraang taon, lumalabas na “flawed” ang iba’t ibang sistema na sinusunod ng PhilHealth para tulungan ang mga tinamaan ng COVID-19 tulad ng interim reimbursement mechanism at case rate system.
Iginiit ni Quimbo na maganda ang layunin ng mga programang ito, subalit sa kasalukuyan ay nagkakaroon ng mismanagement na posibleng dahilan pa nang tuluyang pagka-ubos ng pondo ng PhilHealth.