CAGAYAN DE ORO CITY – Pinasisinungalingan ni Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno ang akusasyon na iniipit nito ang quick response fund ng lokal na pamahalaan na siyang gagamitin na pondo sa pagtugon laban sa sakit na coronavirus (COVID-19).
Sinabi ni Moreno na may mga proseso siyang sinusunod sa paggastos sa P90 million calamity fund budget ng lungsod at sinisiguro nito na gagamitin sa mga priority items lalo pa at walang makapagsasabi kung hanggang kailan matapos ang COVID-19 crisis.
Ang P90 million ay siyang 30% ng P340 million calamity fund budget ng lungsod, kung saan P28 million nito ay naggamit na sa pambili ng mga alcohol, face mask, gamit ng mga frontliners, pang-disinfect at iba pang equipment at supplies.
Ngunit sinabi nito na hindi pa ito sapat na pondo bilang pantugon para sa laban kontra COVIF-19 kung kaya’t humingi siya ng karagdagang P500 million na supplemental budget.
Ayon sa alkalde humigit kumulang 750,000 ang populasyon ng Cagayan de Oro, at 40,000 sa mga ito ay napapabilang sa itinuturing na “poorest of the poor” na tatanggap ng tag-P6,000 sa loob ng dalawang buwan maliban pa sa mga nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Kung maalala, nagbigay ng tig-P111,000 sa bawat Barangay Kapitan si Moreno upang gamitin na paunang tulong sa mga apektadong residente ng Covid-19.
Una nang kinwestiyon ng mga kritiko ni Moreno kung saan napunta ang Emergency Welfare and Crisis Intervention Fund at Intelligence Fund ng lungsod at bakit nanghingi pa ito ng karagdagang P658 million na pondo para sa Covid crisis.