Obligado umanong pumunta sa imbestigasyon ng mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso si Pastor Apollo Quiboloy ayon kay former senior associate justice Antonio Carpio.
Binanggit ng dating mahistrado ang ruling ng Korte Suprema na dapat umanong mag-respond at mag-testify ang isang Pilipino sa subpoena na inilabas ng Kongreso at ng kumite nito laban sa kaniya.
Nakapaloob din daw sa 2009 jurisprudence na ang pagtugon sa subpoena ay isang “unremitting obligation of every citizen.”
Matatandaan na noong Marso ay naglabas ng show-cause order laban kay Quiboloy si Senadora Risa Hontiveros na siyang chairman ng Senate Committee on women, Children, Family Relations, and Gender Equality hinggil sa umano’y pang-aabuso na kinasasangkutan ni Quiboloy.
Tumugon naman dito ang kampo ng pastor kung saan sinabi nito na malalabag daw ang kaniyang constitutional rights partikular na ang right against self-incrimination kapag umattend siya sa hearing ng kumite ni Hontiveros.
Humantong ito sa pag-issue ng Senado ng arrest warrant laban kay Quiboloy noong March 19.
Ipinaliwanag naman ni Carpio na magagamit lamang ang pag-invoke ng right against self-incrimination kung magbabato ang kumite ng incrimination question habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Nasa ilalim daw ‘yan ng Section 19 ng Senate’s Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.
Ayon sa dating mahistrado ay hindi raw maaaring gawing dahilan ang right to self-incrimination sa hindi pagdalo sa show-cause order ng Senado.
Tatlong beses ng hindi dumalo sa imbitasyon ng Senado si Quiboloy, una noong January 23, sumunod noong February 19, at ang huli ay nitong March 5.
Sa ngayon ay nahaharap din sa patong-patong na kaso si Pastor Quiboloy dahil umano sa sekswal na pang-aabuso nito sa isang 17 years old na babae noong 2011.
Sa Davao City trial court ay nahaharap si Quiboloy sa kasong paglabag umano sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. Habang sa Pasig City trial court naman ay may kaso itong Anti-Trafficking in Persons Act.
Hindi lang sa Pilipinas may kinahaharap na kaso si Quiboloy kundi maging sa ibang bansa dahil isang judge sa California ang nag-isyu ng arrest warrant laban sa Pastor dahil sa kasong conspiracy to engage in sex trafficking, sex trafficking of children and cash smuggling.