Magsasagawa ng motorcade ang Quiapo Church at ipaparada ang imahe ng Itim na Nazareno sa paligid ng Maynila sa Abril 7 o Biyernes Santo.
Sa naging pahayag ni Quiapo Church spokesperson Father Earl Valdez, magsisimula ang Nazareno motorcade sa ganap na alas-12:01 ng madaling araw.
Gayunpaman, ang ruta ng motorcade ay hindi pa napag-uusapan at hindi pa naisasa-pinal.
Aniya, dadagsa ang mga deboto ngunit hindi ito katulad ng bilang ng katao na dumalo nang nagdaang Pista ng Itim na Nazareno.
Dagdag din ni Valdez na ang tradisyunal na Traslacion ay maaaring bumalik sa 2024 na pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno at lahat ng mga aktibidad ng simbahan, kabilang ang Good Friday motorcade, ay magsisilbing paghahanda para sa mga susunod na kapistahan.
Ang Traslacion ay ang prusisyon na nagdadala ng imahe ng Itim na Nazareno mula sa Quirino Grandstand pabalik sa Quiapo Church.
Kung matatandaan, kinansela ang naturang malaking aktibidad mula noong 2021 dahil sa pandemya ng COVID-19 sa bansa.