Idineklara ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang state of calamity dahil sa malawakang pagkasira dulot ng Severe Tropical Storm “Paeng” na tumama sa bansa noong weekend.
Sa isang espesyal na online session na ginanap noong Lunes ng hapon (Okt. 31), si Vice Governor Anacleto Alcala III at ang sangguniang panlalawigan, base sa liham ni Gobernador Angelina Tan, ay nagdeklara ng state of calamity sa lalawigan.
Sa ulat ng Provincial Social Welfare and Development Office nang dahil sa Paeng, inilikas ang 33,786 pamilya na binubuo ng 122,107 indibidwal mula sa 753 barangay.
Hindi bababa sa 802 na mga bahay ang nawasak at 10,932 na mga bahay ang nasira.
Sa ngayon, umaabot sa P281 milyon ang inisyal na halaga ng pinsala sa agrikultura sa buong Quezon province.
Nagdeklara rin ng state of calamity ang Lungsod ng Lucena, ang kabisera ng lalawigan.
Noong nakaraang buwan, isinailalim din ng pamahalaang panlalawigan sa state of calamity ang mga islang bayan ng Polillo, Burdeos, Panukulan, Patnanungan, Jomalig at ang munisipalidad ng General Nakar matapos ang pananalasa ng Super Typhoon “Karding” sa mga nasabing lugar.
Ang deklarasyon ng state of calamity ay napakahalaga para sa mga local government units dahil ito ay magbibigay-daan sa kanila na magamit ang kanilang calamity funds.