Bumuo ng ‘Task Force Sampaguita’ ang Quezon City government na siyang tututok at mag protekta sa mga menor-de-edad na pwersahang maghanap-buhay.
Layon ng nasabing task force na magbibigay proteksyon sa mga minors mula sa sapilitang pagtatrabaho at pagsasamantala.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, tumatayong Chairperson ng Task Force, may mga programa at interbensyon nang inihahanda ang lungsod para sa mga kabataan at kanilang pamilya.
Batay kasi sa ulat, nagsimula nang lumaganap sa mga commercial thoroughfares ng lungsod ang mga sampaguita vendors at asahang dadami pa pagsapit ng holiday season.
Karamihan din sa mga kabataan ay dayo pa mula sa ibang lugar.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, nagsimula na rin ang city-wide profiling sa mga batang kalye at kanilang mga pamilya at ang pagbuo ng referral system sa mga ahensiya tulad ng DSWD, NGOs at LGUs.
Lahat ng taga Quezon City ay bibigyan ng QCitizen IDs para mabigyan ng nararapat na benepisyo habang ang hindi taga lungsod ay pinapauwi sa kanilang lugar sa pakikipagtulungan sa mga LGUs.
” Dahil sa hirap ng buhay, napilitan ang ilang kabataan na ilaan ang kanilang oras sa pagta trabaho imbes na sa pag-aaral. Narito ang pamahalaang lungsod para alalayan at suportahan ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba-ibang tulong at serbisyo,” pahayag ni Mayor Joy Belmonte.