Hinimok ng isang kongresista ang IATF-EID na alisin na ang quarantine at RT-PCR requirement sa mga tourist destinations para sa mga bakunado nang biyahero kontra COVID-19 basta mayroon lamang sila na pre-booked accomodation at pre-arranged itinerary.
Sa apela na ito ni Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong, sinabi niya na dapat lahat ng mga hotel staff, guides, drivers, at iba pang tourism personnel ay dapat fully vaccinated na rin kontra COVID-19.
Ang mga lugar na bubuksan para sa turismo ay dapat sa mga lugar lamang na mayroong alert levels na katumbas ng sa moderate general community quarantine at general community quarantine.
Naniniwala ang kongresista na handa na ang ilang mga lugar sa bansa para buksan ang turismo para sa mga local at international travelers na bakunado na kontra COVID-19.
Para sa mga foreign tourists, sinabi ni Ong na dapat tiyakin na iyong mga galing lamang sa mga bansa na wala nang surge o pasok sa listahan ng Department of Tourism (DOT) ng mga bansa na maituturing nang safe.
Nabatid na bago nagkaroon ng COVID-19 pandemic, ang turismo ay nakapag-ambag ng 12.7 percent sa gross domestic product ng bansa at nagbigay ng 5.7 million na trabaho.