Pinaghahanda ni Senator Imee Marcos ang gobyerno sa posibilidad na biglang tumaas muli ang naitatalang kaso ng COVID-19 pagkatapos ng Pasko.
Ito ay kahit pa may mga komunidad na mahigpit na nagpapatupad ng quarantine protocols, tulad ng karaoke ban at gayundin ang paggamit ng yantok upang siguruhin na nasusunod ang mga umiiral na health protocols.
Ayon sa senador, dahil sa nararamdamang quarantine fatigue ng publiko ay maaari pa ring sumirit ang infection rate sa bansa partikular na sa mga lugar ng Metro Manila, Batangas, Iloilo City, Bacolod City, Tacloban City, Iligan City at Lanao del Sur.
Kailangan umanong ihanda ng gobyerno kung paano ang magiging sistema ng contact tracing, contingency measures sa mga ospital sa oras na maabot na nito ang critical level at pati na rin ang coping mechanisms na maaaring ipamahagi sa mga local government units (LGUs).
Saad pa ni Marcos, nananatili ang public health emergency sa bansa hanggang sa susunod na taon ngunit malapit nang mapaso sa susunod na linggo ang Bayanihan 2.
Muli rin nitong ipinanawagan na palawigin pa hanggang Disyembre 31, 2021 ang Senate Bill 1921, o ang stand-by powers ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng Bayanihan To Recover As One Act.
Hirit pa ni Marcos, kung sakali na tumaas ang kaso ng coronavirus disease sa bansa ay hindi malayong muling magpatupad ng mas mahigpit na quarantine restrictions.