Isinantabi na ng Quezon City Police District (QCPD) ang posibilidad na may kinalaman sa trabaho ng biktimang si Joshua Abiad bilang photojournalist ang pananambang sa kaniya na ikinasugat naman ng miyembro ng kaniyang pamilya.
Ayon kay QCPD Director Police Brigadier General Nicolas Torre III, walang kinalaman sa trabaho ni Abiad na nagko-cover sa mga operasyon laban sa iligal na droga base sa imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Kayat hindi aniya ito isang uri ng pag-atake sa mga mamamahayag.
Natukoy na umano ng pulisya kung saan nagsimulang pumosisyon ang mga gunman, kung anong oras at maging ang rutang dinaanan ng mga ito sa kanilang pagtakas.
Una ng sinabi ng awtoridad na hindi pa nila mailalabas sa ngayon ang motibo sa krimen dahil maaari itong magpre-empt sa resulta ng imbestigasyon at alerto sa mga sangkot sa krimen.
Kasalukuyang nagpapagaling pa si Abiad habang ang dalawang bata na nasa loob ng sasakayan nang mangyari ang pamamaril ay nasa intensive care unit pa rin.
Una na ring bumuo ang PBP ng special investigation task group noong Biyernes para imbestigahan ang nangyaring ambush at ipinagutos ni PNP chief General Benjamin Acorda ang mabilis na imbestigasyon para sa ikalulutas ng nasabing krimen.