Magsisimula na ngayong araw August 11, 2021, ang pamamahagi ng ayuda ng Quezon City government para sa QCitizens na lubhang naapektuhan ngayong panahon ng Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, P1,000 cash ang ayuda sa bawa’t indibidwal at hanggang P4,000 sa may apat na miyembro ng pamilya o higit pa.
Hinimok naman ng alkalde ang mga QCitizens na makipag-ugnayan muna sa kanilang mga barangay para sa araw at oras o kanilang iskedyul sa pagkuha ng ayuda.
Pinaalalahanan din ng city gov’t ang mga residente na hindi nangangahulugan na kasama na ang pangalan ng isang indibidwal sa buong listahan na makakatanggap ng ayuda ay kailangan na agad magpunta sa venue ng mga ayuda distribution.
Sinabi ni Belmonte, magkakaroon ng batch schedule bawa’t araw para maipatupad ang social distancing measures sa mga Ayuda Centers.
Ang listahan ng mga benepisyaryo ay ipapaskil sa mga barangay, at ilalagay din sa official Facebook page at website ng Quezon City government.
Sinabihan din ng alkalde ang mga pupunta sa mga Ayuda Centers na huwag kalimutan dalhin ang mga sumusunod:
• DSWD SAP Form o QC SAP Form (original at 1 photocopy)
• Isang (1) Government Issued ID (original at 1 photocopy)
Siguraduhin na pumunta lamang sa nakatakdang oras at schedule para maiwasan ang pila at masunod ang mga ipinatutupad na health and safety protocols sa mga distribution center.
Binigyang diin din ni Mayor Belmonte kung mayroong isyu, tanong o reklamo sa listahan na ilalabas, lumapit lamang ang mga ito sa Grievance Committee na matatagpuan sa ayuda distribution venue.
Sa kabilang dako, nasa ilalim ng Special Concern Lockdown Areas ang 37 na lugar sa siyudad dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.
Paglilinaw ng alkalde, hindi buong barangay ang naka-lockdown kundi ilang lugar lamang.
Siniguro naman ni Mayor Belmonte na mamamahagi ang lokal na pamahalaan ng food packs at essential kits para sa mga apektadong pamilya at sila ay isasailalim sa swab testing at mandatory 14-day quarantine.
Samantala, nasa 94.4% o 105,786 na ang gumaling mula sa CCOVID-19 sa Quezon City.
Ayon sa QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), 5,083 ang kumpirmadong active cases mula sa 112,116 na kabuuang bilang ng nagpositibo sa lungsod.
Dumadaan sa validation ng CESU, health center staff at mga opisyal ng barangay ang datos na mula sa DOH para masigurong sila ay residente ng QC.
Maaaring magbago pa ang bilang ng mga kaso sa lungsod dahil na rin sa isinasagawang community-based testing.