-- Advertisements --

MANILA – Naglabas na ng guidelines ang local government ng Quezon City para sa pagtatayo ng mga community pantries sa lungsod para matiyak na nasusunod ang mga health protocols at mapanatili ang peace and order sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa memorandum na pinirmahan nito kahapon kasunod ng kanyang pulong kasama ang organizer ng maginhawa community pantry na si Ana Patricia Non, hinimok ni Mayor Joy Belmonte ang mga organizers na magsumite ng liham sa mga barangay officials sa lugar kung saan nakapuwesto ang community pantry at tukuyin din ang mga in-charge sa operation.

Nilinaw naman din ni Belmonte na hindi required na magkaroon ng barangay permit o clearance dahil libreng pagkain naman ang ibinibigay sa publiko ng mga community pantry na ito.

Sa ilalim ng memo, ang mga organizers at barangay officials ay maaring mag-coordinate hinggil sa crowd control measures, kabilang na ang pagtatakda ng cut off time sa mga pipila, paglimita sa bilang ng mga taong i-accomodate sa kada araw at ang pagkakaroon ng marshals para maipatupad ng maayos ang mga health protocols.

Ipinapaalala rin ng memo na ito na ang existing community pantries ay required na mag-operate sa loob ng umiiral na curfew hours o mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi.

Hinimok naman din ng alkalde ang mga organizers ng community pantries na magpatupad ng sistema para maiwasan ang mga napaulat na pang-aabuso ng ilang mga indibidwal na nagmamalabis at kumukuha nang sobra-sobrang goods.